Ang Pulo Ng Leyte
ABOT SA 480 kilometro ang sukat paikot sa pulo ng Leite (Leyte). Ang haba nito, dahil makitid ang pulo, ay kulang-kulang 200 kilometro, hati halos sa gitna ng malaking bunduk-bundok na tinawag na Carigara.
Dahil sa bunduking ito, magkaiba ang panahon sa magkabilang panig ng pulo. Kapag tag-ulan sa hilagang bahagi ng Leyte, sa kabila, ang timog na bahagi, ay tag-araw naman.
Sa kalagitnaan ng taon, nagpapalit ang panahon sa magkabilang panig. Kaya kapag nagsasaka sa isang bahagi ng Leyte, nag-aani naman sa kabila. Kaya laging 2 ang ani nila taon-taon, minsan sa hilaga, susunod sa timog. At kapwa mayaman ang ani.
Maraming mas maliit na pulo sa paligid ng Leyte, bagaman at malaki rin naman ang iba. Walang tao sa lubhang maliliit na pulo.
Puno ng isda ang dagat at mga ilog sa pulo-pulo, may mga vaca (cattle) mula sa China, at maraming mga manok, usa, baboy at mga baboy-damo. Sagana sa mga tanim, mga gulay at mga bungang kahoy, at sari-saring camote, gabi at ube. Maraming tao ang nakatira sa mga bara-baranggay na hindi nagkakalayo mula sa isa’t isa. At ang bawat baranggay ay nasa tabi ng mainam na ilog at pina-paligiran ng mga puno ng niyog.